Friday, April 23, 2010

election na naman sardinas at bigas

election, election na naman, panahon ng mga nagsalimbayan pangako ng mga politikong nangangarap na manalo sa halalan. mga pangakong binibitawan sa mga botante, pangakong tungo sa pagbabago na nagbibigay ng pagasa sa mga mahihirap upang makaahon sa bilangguan ng kahirapan. pangako na pagkatapos naman ng election ay nauuwi ang lahat sa paglimot. sa kabiguan ng mga mahihirap na umaasa ng tulong upang makaahon sa kahirapan.

minsan ay naitanong ko sa isang cigarette vendor kung bakit sila ay humihingi sa mga politiko? sagot niya sa akin at ito ay isang malaking katotohanan " ito lang naman ang kaparte namin dahil pagkatapos ng election balik na naman sa dati, kamiy makakalimutan na at sa darating naman na election saka kami muling maaalaala." ang isa naman ay nagsabi na lagi na lamang kaming itinuturing na bobo, na madali kaming lokohin, kaming mga mahihirap, ay kayang bilihin ang aming boto ng tatlong kilong bigas at ilang lata ng sardinas na may kasamang akbay sa balikat at makipagkamay pa.

kung babasahin lamang nila ang tunay na laman ng aming damdamin, kami ay nasasaktan sa patuloy na pang iinsulto sa aking katayuan na isang mahirap. inaalisan nila ako ng dangal sa tuwing mahawakan ko ang lata ng sardinas at supot ng bigas na hindi ko magawang tanggihan dala ng aking kahirapan. ang bigay na sardinas at bigas ay limos sa isang taong ang kailangan ay hindi limos, hindi bigay. ang kailangan ko ay tulong upang makaahon sa kahirapan, hindi ang bigay na lata ng sardinas at supot ng bigas na lalo lamang naglulubog sa akin sa kahirapan.

kailangan ko ng trabaho dahil kung may trabaho ako mayroon akong suweldo at dahil may suweldo ako mayroon akong pera pambili ng sardinas at bigas sa araw araw. TRABAHO ANG KAILANGAN KONG TULONG AT HINDI ANG BIGAY NA LATA NG SARDINAS AT SUPOT NG BIGAS.

No comments:

Post a Comment